PANGNGALAN

  • Home

 PANGNGALAN= mga salitang tumutukoy sa ngalan ng tao, bagay, pook, hayop at mga pangyayari.

 URI NG PANGNGALAN

PANTANGI = pangngalang tumutukoy sa tiyak at tanging ngalan ng tao, bagay, lugar, hayop, gawain at pangyayari. Ito ay nagsisimula sa malaking titik.

Halimbawa: Romel, Sony, Pilipinas, Tarsier

 

PAMBALANA = balana o pangkaraniwang ngalan ng mga bagay, tao, pook, hayop at pangyayari. Ito ay pangkalahatan, walang tinutukoy na tiyak o tangi.

Halimbawa: lalaki, telebisyon, bansa, puno

  URI NG PANGNGALAN AYON SA KONSEPTO

TAHAS= mga pangkaraniwang pangngalang nakikita, nahahawakan, naririnig at naaamoy.

Halimbawa: mesa, ibon, pansit, basura

 

 

BASAL= mga pangngalang nadarama, naiisip, nagugunita o napapangarap.

Halimbawa: kalungkutan, kahirapan, pag-ibig

  KASARIAN NG PANGNGALAN

PANLALAKI= tumutukoy sa tao o hayop na lalaki.

Halimbawa: sastre, hari, tatay, ginoo, pari

 

PAMBABAE= tumutukoy sa tao o hayop na babae

Halimbawa: reyna, nanay, binibini, madre

 

DI-TIYAK= maaaring tumutukoy sa lalaki o babae man.

Halimbawa: magkaibigan, guro, magulang, bata

 

WALANG KASARIAN = tumutukoy sa mga bagay, pook, pangyayari, at iba pang walang kasarian.

Halimbawa: damit, telepono, parke, kaarawan

 KAILANAN NG PANGNGALAN

ISAHAN= tumutukoy sa isang tao, bagay, hayop o lugar lamang. Maaaring may SI, ANG, KAY sa unahan.

Halimbawa: ang bata, si Mila, kay Ruel

 

DALAWAHAN= tumutukoy sa dalawang tao, bagay, hayop o lugar.

Halimbawa: magkapatid, magkamag-aral

 

MARAMIHAN= tumutukoy sa higit sa dalawang tao, bagay, hayop o lugar. Maaring may SINA, ANG MGA, NG MGA, KINA sa unahan.

Halimbawa: sina Ruby, Dennis at Jon, ang mga mag-aaral, magkakapatid, magkakamag-aral

  GAMIT NG PANGNGALAN

SIMUNO = ang pangngalang pinag-uusapan sa pangungusap.

Halimbawa. Si Doming ay masipag na empleyado.      Ang mga bata ay masayang naglalaro ng tumbang-preso.

 

 

PANTAWAG= ipinantatawag sa pangungusap.

Halimbawa: Rosie, wag mong kalimutan ang iyong baon. Anak, mag-aral ka na ng iyong leksyon.

 

 

KAGANAPANG PANSIMUNO= ito ay nasa bahaging panaguri at ginagamit sa pagpapakilala ng simuno. May AY sa unahan.

Halimbawa: Ang magkapatid ay mga estudyante ng Colegio Sto. Domingo.

Si G. Reyes ay tagapayo ng Presidente.

 PANGNGALANG PAMUNO = ginagamit na tulong upang higit na mabigyang-diin ang simuno. Ito ay bahagi pa rin ng simuno.

Halimbawa: Sina Raymee at Raymond, mga kaibigan ko, ay mapagkakatiwalaan.

Si Raquel, ang kapatid ko, ay nasa Espanya.

 

LAYON NG PANDIWA = ginagamit na layon ng salitang kilos sa pangungusap. May NG o NG MGA sa unahan.

Halimbawa: Naglinis ng kwarto si ate kanina.

Nagluto ng turon si nanay para sa merienda.

 

LAYON NG PANG-UKOL = ginagamit na layon ng pang-ukol sa pangungusap. May salitang SA sa unahan.

Halimbawa: Mula sa Mayor ang tulong na natanggap nang aming baranggay.

Para sa magkakapatid ang pasalubong ni tatay.

   KAUKULAN NG PANGNGALAN

PALAGYO = kung ang pangngalan ay ginagamit na Simuno, Pantawag, Kaganapang Pansimuno, Pangngalang Pamuno

Halimbawa: Ang panahon ngayon ay pabagu-bago.

Ama at Ina, salamat po sa pagpapa-aral sa amin.

Si Gng. Andres ay mabuting guro.

Si Bantay, ang aking aso, ay marunong magbukas ng aming pinto.

 

PALAYON = kung ang pangngalan ay ginagamit na Layon ng Pandiwa at Layon ng Pang-ukol.

Halimbawa: Magdadala ako ng ulam bukas.

Ang pagsisikap ni Gemmo ay para sa kanyang mga magulang.

 

PAARI= may dalawang pangngalang magkasunod at ang pangalawang ay nagsasaad ng    pagmamay-ari.

Halimbawa: Ang pagpapatawad ni ama ang sanhi ng aking pagbabago.

Anak ni Reynaldo si Romel.

 

DIY Free Web Design with SynthaSite Design by TLG